Manila, Philippines – Hindi maganda ang panukalang Traffic Violation Immunity na isinusulong ng mga mambabatas, ito ang sinabi ni George San Mateo, Presidente ng transport group na Piston.
Ayon kay San Mateo, ang mga mambabatas ay hindi naman bahagi ng disaster, security at emergency response team ng gobyerno kaya wala silang dahilan para bigyan ng ganitong exception.
Wala naman aniyang ’emergency nature’ ang kanilang trabaho kaya’t wala silang karapatan para dito.
Ayon kay San Mateo, dapat nga ay nagsisilbi pang halimbawa ang mga matataas na opisyal sa bansa, sa mga mamamayan lalong – lalo na sa usapin ng pagsunod sa batas trapiko.
Matatandaang, isinusulong ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang immunity ng mga kongresista sa mga minor traffic violations upang daw di sila mahuli sa mga sesyon sa Kamara.