Pagsusulong ng wage hike, walang saysay kung marami ang hindi sumusunod sa daily minimum wage
Iginiit ni Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Berndadette Herrera, walang saysay ang isinusulong na umento sa sahod kung marami naman sa mga kompanya o negosyo sa bansa ang hindi sumusunod sa itinakdang daily minimum wage.
Ayon kay Herrera, base sa Occupational Wages Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2023, 71.6% ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura ay tumatanggap ng sahod na mas mababa sa daily minimum wage.
Batay sa naturang survey ay 55.7% naman ng mga manggagawa sa manufacturing sector at 36.5% ng mga empleyado private schools ang nasa kaparehong sitwasyon.
Tinukoy rin ni Herrera na ebidensya ang naging karanasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) nang kanilang ipatupad ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).
Sabi ni Herrera ay ayaw magpalista at magsumte ng dokumento ng mga negosyo para sa CAMP pandemic dahil mabibisto na hindi umano sila minimum wage compliant.