Labis ang pasasalamat ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera sa hiling ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kongreso na ipasa ang panukala ng Department of Water Resources (DWR).
Ikinatuwa ni Herrera na binigyang halaga ni PBBM sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang kahalahagan na magkaroon ng departamento na nakatutok sa harap ng nararanasang krisis sa tubig.
Magugunita na noon pang July 2022 ay inihain na ni Herrera ang House Bill 1013 o panukalang pagtatayo ng DWR gayundin ang House Bill 1014 na layuning paglikha ng Water Regulatory Commission (WRC) na mangangasiwa sa water services sa bansa.
Ayon kay Herrera, layunin ng nabanggit na mga panukala na makamit ng lahat ng mamamayang Pilipino ang pagkakaroon ng access sa ligtas, sapat at abot-kayang serbisyo para sa malinis na tubig.
Noong Pebrero ng kasalukuyang taon ay bumuo naman ang House Committees on Government Reorganization at Committee on Public Works and Highways ng isang technical working group na mag-aaral sa lahat ng mga panukalang nagsusulong ng pagbuo ng DWR at WRC, kasama ang mga inihain ni Herrera.