Iginiit ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang pangangailangan na maipatupad muli sa Pilipinas ang parusang kamatayan.
Pahayag ito ni Barbers, kasunod ng umano’y pagbaril o pagpatay ng Chinese national na si Raymund Yu sa isang family driver na nakagitgitan nito sa Makati EDSA tunnel.
Para kay Barbers, dahil sa kawalan ng death penalty ay tila nagiging pugad na ating bansa ng mga kriminal, terorista, espiya, sleeper cells na pawang dahilan kung bakit pinagtatawanan tayo ng buong mundo.
Punto ni barbers, nakikita natin ngayon kung gaano kalakas ang loob ng mga kriminal dahil alam nila na walang mabigat na parusang naghihintay sa kanila.
Ayon kay Barbers, malinaw na may sablay sa ating sistema at nanatili ang korapsyon kaya ang mga Chinese na bully ay malayang nakakapagmay-ari ng baril na ginagamit sa pagpatay sa mga inosenteng Pilipino.
Diin ni Barbers, ngayon na ang tamang panahon para magkaroon ng parusang bitay na sasaklaw sa mas maraming krimen bilang bahagi ng tamang pamamahala na siyang magsasalba sa darating na henerasyon.