*Cauayan City, Isabela*- Pinaalalahanan ng Commission on Election sa Lungsod ng Cauayan ang mga kandidato na kinakailangang magsumite ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE bilang pagtalima sa kautusan ng Comelec Central Office hanggang alas otso ngayong gabi.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Jims Dandy Ramos, Election Officer sa lungsod, aniya ngayong araw na lamang ang deadline ng pagpasa ng SOCE ng mga kandidato matapos palawigin ng Comelec en Banc ang pagsusumite nito.
Dagdag pa ni Atty. Ramos na bukas ang kanilang tanggapan para tulungan ang mga kandidato sa pagkumpleto ng kani-kanilang isusumiteng dokumento sakaling may mga katanungan ang mga ito.
Aniya, maaaring mapatawan ang mga kandidato ng kaukulang parusa gaya ng Perpetual Disqualification to Hold Public Office kung hindi makakapagsumite ng SOCE sa itinakda ng Comelec en Banc.
Hindi naman maaaring makaupo sa pwesto ang mga nanalong kandidato na hindi nakapagsumite ng kanilang SOCE.