Pagsusuot ng face mask, face shield at pag-a-alcohol, nakatulong para mapanatili ang downward trend ng COVID-19 cases

Naniniwala ang mga eksperto na nakatulong nang malaki sa tuloy-tuloy na pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa ang pagsusuot ng face mask, face shield at pag-a-alcohol.

Ayon kay Dr. Butch Ong ng OCTA Research Group, mas alam na ngayon ng mga tao kung ano ang mga dapat gawin para maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa virus.

“Nakikita natin sa labas hindi naman mas strict ang social distancing pero bakit may downtrend ng kaso? Siguro nga, ‘yong pagsuot ng face shield na may kasamang face mask at ‘yong pag-a-alcohol perhaps has contributed to the downtrend. Siguro ngayon nakakuha na tayo ng idea on how to fight it, on how to prevent it,” ani Dr. Ong.


Nabatid na sa loob ng higit isang buwan ay napanatili ng bansa ang downward trend sa COVID-19 new cases sa kabila ng pagbubukas ng ekonomiya at unti-unting pagbabalik ng aktibidad ng mga tao.

Sa ngayon, nasa 6% na lamang ang positivity rate habang below 1.0 ang reproduction number ng COVID-19 sa bansa na nangangahulugang nakokontrol na ang pagkalat ng sakit sa mga komunidad.

Umaasa naman si Ong na ipagpapatuloy ng publiko at ng iba’t ibang sektor ang pagsunod sa minimum health standard lalo na ngayong nalalapit na ang holiday season.

Facebook Comments