Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) na paiiralin pa rin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals ang pagsusuot ng face mask.
Ayon kay MIAA Spokesperson Connie Bungag, maging sa labas ng airport kung saan maraming mga kaanak ang naghahatid at nagsusundo sa mga pasahero ay paiiralin pa rin ang pagsusuot ng face mask.
Aniya, kahit open space ang departure curbside ng NAIA terminals, ire-require pa rin ang pagsusuot ng face mask dahil madalas siksikan ang well-wishers at hindi nasusunod ang social distancing protocols.
Tiniyak din ng MIAA na maglalagay sila ng signages sa mga lugar sa loob at labas ng mga paliparan ng NAIA kung saan ire-require ang pagsusuot ng face mask.
Samantala, tiniyak naman ng AirAsia Philippines na tatalima sila sa safety protocols na pinaiiral ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Kasabay nito ang pagkakaroon ng High-Efficiency Particulate Air Filters sa kanilang mga eroplano at ang contactless solutions sa kanilang AirAsia Super App.