Pagsusuot ng Face Shield sa Isabela, Boluntaryo na

Cauayan City, Isabela- Boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face shield sa Lalawigan ng Isabela.

Ito ang kinumpirma ni Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer ng Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Alinsunod ito sa IATF Resolution No.148-F, Series of 2021 na kung saan sasailalim sa Alert Level 2 ang Lalawigan ng Isabela simula ngayong araw, Nobyembre 17, 2021 hanggang Nobyembre 30, 2021.


Kaugnay nito, napagkasunduan ng Isabela IATF on COVID-19 sa ginawang pulong kahapon sa Provincial Capitol na hindi na kinakailangan ang pagsusuot ng face shield sa mga open areas maging sa mga malalaking establisyemento gaya ng Mall at sa mga opisina.

Maliban na lamang sa mga ospital dahil mandatory pa rin ang pagsusuot ng face shield.

Pero nilinaw ni Atty. Binag, na kung gugustuhin pa rin ng mga tao na magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa virus ay maaari pa rin namang magsuot ng face shield.

Mananatili rin ang pagsusuot ng double facemask sa probinsya at paggamit ng health guard sa mga border control points para sa contact tracing sa Lalawigan.

Samantala, inaasahang ilalabas ngayong araw ni Isabela Gov. Rodito Albano III ang pinal na Executive Order kaugnay sa bagong guidelines at protocols na ipatutupad sa buong probinsya.

Facebook Comments