Obligado na rin ang pagsusuot ng face shield sa mga commercial establishments simula ngayong araw.
Ito’y kasabay ng pagbabalik ng Metro Manila at karatig-lalawigan sa General Community Quarantine (GCQ) hanggang sa katapusan ng buwan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, maliban sa face mask, kinakailangan na ring magsuot ng face shield kapag pupunta sa alinmang business establishments, opisina at sa pampublikong transportasyon upang mailayo sa banta ng COVID-19.
Samantala, binibigyang kapangyarihan naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang Local Government Units (LGUs) na mag-issue ng quarantine pass sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Paliwanag ng kalihim, mahigpit pa rin kasing ipatutupad ng LGUs ang localized lockdown kung kaya’t ang mayroon lamang quarantine pass ang hahayaang lumabas ng bahay para bumili ng essential needs.
Kasunod nito, nilinaw rin ni Roque na kapag sasakay ng motorsiklo ay hindi na kailangan pang magsuot ng face shield.