Pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa Alert Level 1, 2 at 3, voluntary na lamang

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong luwagan na ang paggamit ng face shield sa bansa.

Sa Talk to the Nation nito kagabi, sinabi ng pangulo na magiging mandatory na lamang ang paggamit ng face shield sa mga lugar na nasa Alert Level 5 at nasa ilalim ng granular lockdown.

Sa ilalim ng Alert Level 4, desisyon na ng mga pribadong establisyemento at ng lokal na pamahalaan kung gagawing mandatory ang pagsusuot ng face shield.


Voluntary naman ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert level 1, 2, at 3.

Sa ngayon, bagama’t hindi pa buong naipapatupad ang alert level system sa bansa, sinabi ng pangulo na desisyon na ng mga Local Government Units (LGUs) kung anong kautusan ang ipapatupad nito sa pagsusuot ng face shield.

Una nang tinanggal sa Maynila, Muntinlupa, Cebu, Iloilo at Davao City ang mandatoryong pagsusuot ng face shield kung saan tanging sa mga ospital at clinic na lamang itong required.

Facebook Comments