Pagsusuot ng face shields sa lahat ng pampublikong lugar, ire-require ng mga alkalde sa NCR

Nagkasundo na ang Metro Manila Council (MMC) sa pangunguna ni Parañaque City Mayor at MMC Chairman Edwin Olivarez na magpasa ng ordinansang magre-require sa pagsusuot ng face shields, maliban sa face masks.

Ayon kay Olivarez, sa ngayon, sisitahin muna ang mga walang suot na face shield at magkakaroon na lamang ng penalty sakaling maipasa ang ordinansa.

Nabatid na sa mga lugar sa National Capital Region (NCR), tanging ang Pateros pa lamang ang may ordinansang nagre-require sa lahat na magsuot ng face shields sa public places.


Samantala, nakadepende na sa Local Government Units (LGUs) ang desisyon kung papayagang makapagbukas ang ilang dine-in services sa kanilang lungsod.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez, kung mahigpit namang ipapatupad ang social distancing at health protocols sa mga kainan at susunod sa ipinatupad na curfew, iiwan na niya ang desisyon sa mga ito.

Pinayuhan din ni Lopez ang mga alkalde sa bawat lungsod at munisipalidad na unti-unting magbukas at hindi kaagad isagad ang curfew para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Facebook Comments