Opisyal nang tinanggal ng Archdiocese of Manila ang mandato ng pagsusuot ng facemask sa mga simbahan ng Maynila.
Ito’y kasunod ng deklarasyon ng pagtatapos ng pandemiya at ang pagbawi ng Pamahalaan sa idineklarang State of Public Health Emergency ng COVID-19.
Sa isang circular na inilabas ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, nakasaad na susunod ang Simbahang Katolika sa mga alintuntuning itinatakda ng pamahalaan.
Bagaman inalis na ang facemask mandate sa open at enclosed spaces tulad ng mga simbahan, ipinauubaya pa rin nila sa mga mananampalataya kung magsusuot ng facemask o hindi
Sa kabila nito, patuloy pa ring hinihimok ni Advincula ang mga Kura Paroko ng iba’t ibang Parokya na huwag alisin ang mga alcohol dispensers sa mga pintuan ng Simbahan bilang bahagi ng sanidad
Dagdag rin ng Kardinal na maaari na rin ang pagtanggap ng komunyon sa bibig gamit ang dila at mananatili naman ang pagtanggap ng komunyon sa palad
Maaari na ring ibalik ang mga dating paraan ng pagbati ng kapayapaan tulad ng pakikipagkamay, beso-beso at pagyakap basta’t lahat ng ito ay gagawin ng may kabanalan, paggalang at bukal sa loob na pagbibigay ng sarili.