Inihayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na hindi na saklaw ng kanilang ahensya kung pagsusuotin ng school uniform ang mga mag-aaral sa pribadong paaralan habang umiiral ang distance learning sa pagbubukas ng klase ngayong taon.
Ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, may autonomiya ang mga pribadong paaralan sa bansa na gumawa ng sariling panuntunan.
Ito aniya ay nakasaad sa Department Order No. 88 series of 2010 o Manual of Regulations for Private Schools in Basic Education.
Ang tanging saklaw lang ng DepEd ay ang mga pampublikong paaralan ng bansa kung saan una nang sinabi ng kagawaran na hindi required ang bata na magsuot ng school uniform habang ipinatutupad ang distance learning.
Samantala, umabot na ng mahigit 1.5 milyong mag-aaral na nagpa-enroll sa mga pribadong paaralan at State Universities and Colleges (SUCs) ng bansa, batay sa tala ng DepEd ngayong araw.
Subalit, nasa 424,300 ang mga lumipat na estudyante sa pampublikong paaralan mula sa private schools at SUCs ng bansa.