Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi required ang mga estudyante sa basic education level na magsuot ng kanilang school uniforms sa anumang distance learning modes na kanilang sasalihan sa nalalapit na pasukan.
Bago pa man ang pandemya, ipinunto ng DepEd na ang pagsusuot ng uniporme ay hindi istriktong requirement sa mga pampublikong paaralan alinsunod sa General Guidelines on the Opening of Classes para maiwasan ang dagdag na gastos sa pamilya ng mag-aaral.
Ayon sa DepEd, maaaring magsuot ang mga estudyante ng damit na komportable at naaayon habang sila ay nasa kanilang mga bahay at habang ipinagbabawal ang face-to-face classes.
Una nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na tuloy sa August 24 ang pagbubukas ng klase.