Natapos na ng Comission on Elections (COMELEC) ang pagsusuri sa fingerprint at handwriting ni suspended Bamban Mayor Alice Guo at isusumite na nila ang resulta sa kanilang law department.
Ito ang kinumpirma ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco sa Bagong Pilipinas briefing.
Ayon kay Laudiangco, bubuo ang Law Department ng Fact-Finding Committee para alamin kung may nalabag na batas pang-eleksyon base sa ebidensya.
Kung nakitaan ng paglabag ay magsusumite ng rekomendasyon ang Law Department sa commission en banc ngayong linggo at titingnan ng en banc kung sapat ang mga nakalap na dahilan at ebidensya.
Matapos nito ay mag-uutos ang commission en banc ng pagsasampa ng motu propio complaint for material misrepresentations para umusad sa preliminary investigation.
Bibigyan naman ng pagkakataon ang respondent na sumagot at maghain ng counter affidavit at ebidensya.
Kung may probable cause, isasampa na ang kaso sa Regional Trial Court.
Ayon kay Laudiangco, ang election offense ay may parusang pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, pagkakatanggal ng karapatang bumoto, at perpetual disqualification to hold public office.