May kapangyarihan pa ring magsuspinde ng klase ang mga Local Government Units (LGU’s) kahit pa mandatory na ang face-to-face classes sa lahat ng paaralan sa bansa pagdating ng Nobyembre.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Spokesperson Atty. Michael Poa, ang mandato na magsuspinde ng mga klase sa oras ng kalamidad ay maaaring i-localize, kung kaya’t ang pagsuspinde ng in-person classes dahil sa mga kalamidad at COVID-19 ay nasa kapangyarihan din ng LGU.
Gayunpaman, iginiit ni Poa na magpapatuloy ang face-to-face classes anuman ang maging COVID-19 alert level sa bansa.
Kaugnay nito, gagawing mandatory ng DepEd sa lahat ng mga paaralan ang pagkakaroon ng infection control plan o infection containment strategy upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, gayundin ang mga non-teaching personnel.
Samantala, umabot na sa 20,628,682 ang bilang ng mga mag-aaral na nakapagpatala para sa School Year 2022-2023.