May pag-asa hanggang hindi pa namamarkahan ang balota.
Kaya naman ipagpapatuloy nina Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang pagsuyo sa mga botante hanggang sa sumapit ang May 9 national elections.
Inilahad ito ni Sotto sa kanyang pagbisita sa Parañaque City nitong Martes kasabay ng pahayag na hindi sila nababahala ni Lacson sa mga resulta ng survey at pananatilihin pa rin nila ang kanilang istratehiya ng pangangampanya na nakapokus sa paglalahad ng mga solusyon upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino sa ilalim ng kanilang liderato.
Anjya, hindi pa huli ang lahat upang ligawan at mabago ang isipan ng mga botanteng Pilipino.
Tinanggap ni Sotto ang imbitasyon ng kanyang pamangkin na si Parañaque City Councilor Viktor Eriko ‘Wahoo’ Sotto, para makipagdayalogo sa mga pangulo ng iba’t ibang homeowners’ association sa lungsod. Tatay ni Wahoo ang singer-actor na si Val Sotto na kapatid ng senador.
Nagkaroon din ng courtesy call si Sotto kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na malugod siyang tinanggap sa kabila ng pagiging magkaiba ng kinabibilangang partido.
Sinariwa ni Olivarez ang naging aksyon ni Sotto nang iakda niya sa Senado ang batas na nagtakda sa Parañaque bilang ganap na lungsod noong Pebrero 15, 1998.