Inaasahan ng OCTA Research team na sa susunod na isa hanggang dalawang linggo ay patuloy na makakakita ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nakikita ng OCTA ang apat na dahilan kung bakit mayroong naoobserbahang pagtaas na naman ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 lalo na sa National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Ranjit Rye, OCTA Research fellow na kabilang sa mga dahilang ito ay ang mas nakahahawang variants ng omicron, pagbabalik ng face-to-face classes, mas nakalalabas na ang mga tao o mataas na ang antas ng mobility, hindi na nag-iingat ang ilan o hindi na nagsusuot ng face mask at ang humihinang immunity dahil kulang pa sa booster shot.
Kaya naman maliban aniya sa Metro Manila, binabantayan na rin nila ang ilan pang probinsiya.
Paliwanag ni Rye, kapag kasi nagkaroon ng pagtaas ng kaso sa Metro Manila, siguradong kasunod na rin nito ang mga kalapit lalawigan tulad ng Calabarzon at Central Luzon.
Kaya ang pinakamabuti aniyang paraan para maiwasan na makapitan ng sakit ay sa pamamagitan ng pagsusuot pa rin ng face mask, at pagpapabakuna o pagpapa-booster shot.