
Welcome sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagtaas ng base pay ng mga militar at iba pang uniformed personnel.
Sa inilabas na pahayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sinabi nito na nagpapakita lamang ito ng pagkikilala ng administrasyon sa mga sakripisyo ng mga sundalo, sailors, airmen at ng marines na nag-alay ng kanilang buhay para protektahan ang taumbayan at bansa.
Dagdag pa niya, ang nasabing suporta ay hindi lamang magpapataas sa moral ng katropahan bagkus ay magpapatibay sa pangakong maglingkod ng propesyonal, may integridad at katapatan sa pagbibigay ng serbisyo sa bansa.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang AFP sa Pangulo para sa patuloy nitong tiwala at suporta sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Kaugnay nito, inaasahan na matatanggap ito sa tatlong tranches simula Enero 2026, Enero 2027, at Enero 2028.









