Itinuturo at isinisisi ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin na napabayaan ng gobyerno ang kaso ng mga nagkakasakit ng dengue dahil sa ginawang pamumulitika sa Dengvaxia vaccine.
Katwiran ni Garin, 21 bansa ang gumagamit ng Dengvaxia para pigilan ang pagtaas ng kaso ng nakamamatay na sakit.
Pilit aniyang iniuugnay sa pulitika ang Dengvaxia kaya maraming magulang ang nangangamba na pabakunahan ang mga anak.
Matatandaan na tumaas din ang mga kaso ng mga nagkatigdas dahil din sa takot na pabakunahan dulot ng Dengvaxia scare.
Dahil dito nanawagan si Garin sa Department of Health at Food and Drug Administration na ibalik na ang Dengvaxia vaccine para masugpo ang paglobo ng dengue cases sa bansa kasunod ng National Dengue Alert na idineklara kamakailan.
Sa pinakahuling datos ng DOH ay pumalo na sa halos 116,000 ang naitalang kaso ng dengue ngayong 2019 kung saan 491 indibidwal na ang namatay.