Target ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pataasin pa ang bilang ng mga mababakunahan sa mga probinsya.
Kasunod ito ng pamamahagi ng 40 million COVID-19 vaccine doses sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, kailangan maging epektibo ang “vax to vax program” na layong pataasin ang kasalukuyang vaccination rate na nasa 500,000 hanggang 600,000 kada araw.
Aniya, kailangan ng bansa na maabot ang 1 hanggang 1.5 milyong pagbabakuna kada araw.
“So kailangan po mag-double tayo, ating mga Local Government Unit (LGU) para po maabot natin iyong 70% of total population target, at least maka-one dose by November 30, 2021 at 70% naman ng total population fully vaccinated by December 31, 2021, before the end of the year.” ani Malaya.
Sabi pa ni Malaya, nakipag-ugnayan na rin ang DILG, Department of Health (DOH) at National Task Force Against COVID-19 sa mga alkalde sa Regions III at IV-A gayundin sa priority areas sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa para ipaalala ang direktiba na mag-double time sa pagbabakuna.