Hindi na ikinagulat ng Ibon Foundation ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng gutom.
Una rito, lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na aabot sa 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa na kulang ang tulong na ibinibigay ng gobyerno.
Aniya, sa gitna ng kahirapan at kawalan ng trabaho ay tinipid pa ng gobyerno ang ayudang nakalaan naman talaga para mga pamilyang apektado ng pandemya.
Tinutukoy dito ni Africa ang P10-bilyong pondong natipid ng Department of Social Welfare and Development sa pamamahagi ng second tranche ng Social Amelioration Program dahil sa double compensation.
Ikinalulungkot din nila ang hindi paglalaan ng Kongreso ng pondo para sa SAP sa ilalim ng 2021 national budget.
Samantala, hindi rin naniniwala si Africa na solusyon sa kahirapan ng bansa ang mga infrastructure project ng pamahalaan.
“Ipinagmamalaki nila ito [infrastructure project] raw ang magiging solusyon sa pagbagsak ng ekonomiya, ito raw yung magbibigay ng daan-daang libong trabaho. Pero tingin ko itong lumabas na datos sa bilang ng gutom ngayon, pinapakita na hindi talaga uubra ang infrastructure project. Kung gusto ng pamahalaan na tulungan yung milyon-milyong pamilyang Pilipino na nagugutom, para sa akin, iwasto ng gobyerno yung kanyang prayoridad dun sa budget,” ani Africa.