Hindi inirerekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na taasan ang carrying capacity ng Boracay kahit pa sa gitna ng pagdagsa ng mga bakasyunista sa isla.
Ito ay matapos sumipa sa 22,000 ang bilang ng mga turista sa Boracay noong nagdaang Holy Week.
Ayon kay DILG Usec. Epimaco Densing, mananatili sa 19,215 ang carrying capacity ng isla at dapat limitahan ng otoridad ang tourist arrivals sa 6,000 hanggang 7,000 kada araw upang mapangalagaan ang isla.
Nagbabala rin si Densing na sakaling lumabag ang isla na sundin ang carrying capacity nito ay bibigyan ng show-cause order ang mga lokal na opisyal ng Malay, Aklan para ipaliwanag ang sitwasyon.
Samantala, sa ngayon ay wala rin sa plano ng DILG na ibalik ang “Laboracay” o ang kinagawiang summer party festival tuwing Mayo 1 o Labor day sa isla ng Boracay.