Pagtaas ng COVID-19 cases, bunsod ng humihinang immunity ayon sa OCTA

Posibleng sumipa sa 800 hanggang 1,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa pagpasok ng administrasyong Marcos.

Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, Mayo pa lamang ay nakita na nilang tumataas ang COVID-19 cases partikular sa Metro Manila pero masyado aniya itong mababa para ikabahala noon.

Pero nitong nakaraang linggo, tumalon sa 60% ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso.


Nabatid na pumalo na sa 1.59 ang reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19 sa Kamaynilaan habang 4% ang positivity rate.

Kabilang sa nakikitang dahilan ni David sa pagtaas ng COVID-19 cases ay ang humihinang immunity o bisa ng bakuna laban sa virus, pagiging kampante ng publiko sa pagsunod sa health protocols at ang mga naglalabasang mas nakahahawang subvariants ng Omicron.

“Nung campaign wala tayong nakitang pagtaas ng bilang ng kaso, bakit, kasi malakas yung immunity natin from February to May dahil sa bakuna, sa booster shots at sa natural exposure. Pero nasabi nga natin, nagkakaroon ng waning immunity… ngayon humihina na yung immunity natin,” saad ni David sa panayam ng DZXL558 RMN Manila.

Kaugnay nito, umapela si David sa publiko na sumunod pa rin sa minimum public health protocols at magpabakuna.

Suportado rin niya na mabigyan na ng second booster shot ang mga economic frontliner para mapalakas ang proteksyon ng mga ito laban sa COVID-19.

Una nang sinabi ng OCTA na posibleng umabot sa 500 ang arawang kaso ng COVID-19 sa NCR pagsapit ng katapusan ng Hunyo.

Habang ngayong linggo o sa susunod na linggo ay posibleng itaas sa ‘moderate risk’ classification ang rehiyon.

Facebook Comments