Umabot na sa 56 na barangay sa lungsod ng Pasay ang isinailalim sa localized lockdown para mapigilan ang lalong pagkalat ng COVID-19.
Unang pinairal ang 14-day lockdown sa 33 barangay sa lungsod noong February 20, pero nadagdagan ito dahil sa pagtaas ng kaso.
Ayon kay Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit Head Miko Llorca, karamihan ng transmission ng virus ay nangyayari sa loob ng mga bahay o magkakapamilya.
Sa ngayon, hindi pa aniya nila maiuugnay sa COVID-19 UK variant ang biglaang pagtaas ng kaso sa Pasay dahil lahat ng panibagong kaso ay naitala malayo sa barangay kung saan nadiskubre ang UK variant.
Gayunman, hiniling na nila sa Department of Health (DOH) na magsagawa ng genome sequencing sa mga bagong kaso para matukoy kung UK variant ang tumama sa mga pasyente.
Noong February 4, nasa 75 lamang ang active cases sa lungsod pero sumipa ito sa 441 sa loob lang ng tatlong linggo.
Isa sa nakikita nilang dahilan ng mabilis na pagkalat ng sakit ay ang hindi pagku-quarantine ng mga residente nila habang naghihintay ng resulta ng kanilang swab test.