Pagtaas ng inflation rate, isinisi ng isang kongresista sa kabiguan ng BOC na tuldukan ang talamak na smuggling

Ang kabiguan ng Bureau of Customs (BOC) na resolbahin ang talamak na smuggling sa bansa ang pangunahing sinisisi ni ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Ray Florence Reyes sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa gitna ng pagtaas ng inflation rate ay sinabi ni Reyes na dahil sa kahinaan ng BOC ay tila hinayaan lamang nito na mamayagpag at makalusot sa batas ang mga walang pusong food smuggler.

Diin ni Reyes, dahil dito ay nawalan ng proteksyon ang ating mga magsasaka at nadagdagan ang pagdurusa ng mamamayan dulot ng matinding pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain.


Ayon kay Reyes, ang ganitong sablay sa panig ng BOC ay banta sa layunin ng administrasyon na matiyak ang seguridad ng bansa para sa pagkain at enerhiya.

Giit ni Reyes, panahon na para puspusang gampanan ng BOC ang responsibilidad na kasuhan at papanagutin ang mga smuggler, suportahan ang ating mga magsasaka at siguraduhin ang food and health security sa bansa.

Facebook Comments