Pinapasuspinde ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa Insurance Commission ang implementasyon ng pagtataas sa disaster insurance premium rates sa mga lugar na nasalanta ng mga nagdaang kalamidad.
Ang hakbang ni Lee ay sa harap ng 40% hanggang 400% increase sa insurance premium na planong ipatupad simula January 1, 2023.
Babala ni Lee, tiyak maaapektuhan nito ang micro small and medium enterprises (MSMEs) at siguradong magdudulot ng panibagong taas sa presyo ng pangunahing mga bilihin, bagay na dagdag pasakit sa publiko.
Sumulat na si Lee kay Insurance Commissioner Dennis Funa tungkol sa naturang apela pero hanggang ngayon ay hindi pa ito natutugunan.
Una ring inihain ni Lee ang House Resolution 632 na nagsusulong ng imbestigasyon sa biglaan at hindi makatuwirang pagtaas ng insurance premium rate ng mga insurance company.
Ayon kay Lee, walang isinagawang kunsultasyon bago inaprubahan ang increase sa premium rates.