Hindi direktang masabi ng Palasyo ng Malacañang na inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Cebu City Mayor Michael Rama.
Matatandaan kasi na noong nakaraang weekend sa campaign rally ng PDP laban sa Cebu ay nakitang itinaas ni Pangulong Duterte ang kamay ni Rama.
Pero noong 2016 ay pinangalanan ni Pangulong Duterte si Rama na sangkot umano sa operasyon ng iligal na droga sa lugar.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi niya alam ang sirkumstansiya noon sa lugar o sa pagtataas ni Pangulong Duterte ng kamay ni Rama na ngayon ay tumatakbo bilang Vice Mayor.
Sinabi ni Panelo na hindi niya masabi kung ito ay pag-endorso dahil posibleng kahiyaan nalang ang nangyari kaya itinaas ng Pangulo ang kamay ni Rama.
Pero tatanungin naman aniya si Pangulong Duterte kung napatunayan na wala namang kinalaman pala si Rama sa iligal na droga.
Kaugnay niyan ay nabatid na kasama din sa ticket ng PDP laban ang step son ni Daan Bantayan Cebu Mayor Vicente Loot na si Provincial Board Member Sun Shimura.
Matatandaan na si Loot ay kabilang sa tinatawag na narco-generals na pinangalanan ni Pangulong Duterte.