
Pinaiimbestigahan ni Senator Mark Villar ang tumataas na kaso ng Chronic Kidney Disease (CKD) sa bansa, lalo na sa mga kabataan.
Naalarma si Villar dahil batay sa pahayag ng Department of Health (DOH), pabata nang pabata ang tinatamaan ng CKD sa bansa matapos na isang siyam na taong gulang na bata ang na-diagnose na may malubhang sakit sa bato.
Sa Senate Resolution No. 313 na inihain ng senador, umapela siya sa Senado ng agarang imbestigasyon tungkol sa pagtaas ng mga kasong ito.
Nais ng mambabatas na rebisahin ang mga programa at hakbang na ipinatutupad ng gobyerno kaugnay sa nasabing sakit.
Bagamat may mga hakbang na ipinatutupad upang solusyunan ang CKD, tinukoy ni Villar na marami pa ring dapat pagtuunan ng pansin upang ito ay matugunan.
Mula aniya sa awareness campaigns hanggang sa aktwal na suporta na binibigay sa mga pasyente na sumasailalim sa gamutan, dapat ding maging proactive ang gobyerno.










