Inaasahang tataas muli ang kaso ng COVID-19 sa susunod na dalawang linggo ngayong niluwagan na ang restrictions sa pampublikong transportasyon.
Batay sa October 26 report ng OCTA Research Group, nanawagan sila sa pamahalaan na ayusin at gawing accessible ang criteria na kanilang pinagbabatayan para ibalik ang Metro Manila at iba pang Local Government Units (LGU) sa mas mahigpit na quarantine levels para makontrol ang pagsipa ng kaso ng COVID-19.
Anila, maraming bansa sa Europe at North America ang nakararanas ng second o third wave ng pandemic dahil hindi handa ang kanilang pamahalaan na limitahan ang galaw ng publiko.
Hindi na sila magdududa kung tumaas ang transmission dahil sa muling pagbubukas ng ekonomiya.
Sa ngayon, iminungkahi ng OCTA group ang sumusunod:
– Itaas ang kapasidad ang national health care system para matugunan ang potential outbreaks
– Palakasin ang testing para maiwasan ang makontrol ang pagtaas ng kaso
– Magpatupad ng malakas at agresibong sistema para sa contact tracing at magkaroon ng contact tracing app para sa active case finding
– Patuloy na pagtatayo ng isolation facilities hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ilang strategic locations sa bansa kung saan limitado ang hospital capacity
– Palakasin ang pandemic surveillance sa buong bansa
Ang OCTA Research group ay binubuo ng mga eksperto mula sa University of the Philippines at University of Sto. Tomas.