Pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, isinisi ng DOH sa hindi pagsunod ng publiko sa tamang health protocols

Iginiit ng Department of Health (DOH) na ang hindi pagsunod ng publiko sa minimum public health standards ang dahilan kung bakit muling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Partikular ang hindi tamang pagsusuot ng face mask at face shield, ang hindi pagpapairal ng physical distancing at ang hindi pag-iwas sa mga kulob na lugar.

Nilinaw rin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kapag patuloy na nilalabag ng publiko ang public health standards, tiyak aniyang mas magiging mabilis ang pagkalat ng mga variant.


Kinumpirma rin ng DOH na 3 hanggang 4 na tao ang maaaring mahawaan kapag hindi sumunod ang isang indibidwal.

Nagbabala rin ang DOH na maaaring magkatotoo ang pagtaya ng OCTA Research Group na posibleng makapagtala ang bansa ng 5,000 hanggang 6,000 kada araw na kaso ng COVID-19 kapag nagpatuloy ang pagbalewala ng publiko sa public health standards.

Sa Metro Manila pa lamang aniya ay tumaas na sa 1,000 kada linggo ang kaso ng COVID-19 mula sa dating 300 per week.

Habang sa Region 7 ay nakakapagtala na ng 400 kada linggo na COVID cases mula sa dating 27 per week.

Facebook Comments