Itinuturing ng World Health Organization (WHO) na pinakabilis ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas mula sa 20 bansa at teritoryo sa Western Pacific Region.
Sa tala ng WHO mula June 16 hanggang 28, ang kabuuang bilang ng bagong COVID-19 cases sa bansa ay nasa 9,655, sinundan ng Singapore na nasa 2,610 cases.
Batay sa mga kumpirmadong kaso sa loob ng 30 araw, mas nakakaangat ang mga kaso ng Pilipinas sa data graph ng WHO.
Bukod dito, mula sa mga total confirmed cases at doubling rate, mas aktibo ang trend sa Pilipinas.
Hindi deretsong sumagot ang Department of Health (DOH) hinggil dito pero ipinunto nila na hindi dapat ikinukumpara ang Pilipinas sa iba pang bansa na hindi ikinukonsidera ang populasyon, pamumuhay, at kapasidad ng health system.
Iginiit ng DOH na ang Singapore ay mayroon lamang 5.9 million population na may total number of cases na nasa higit 43,000, habang ang Pilipinas ay may 109 million population na nasa higit 34,000 kaso.
Binigyang diin din ng kagawaran na nakapaloob sa localized responses ang early detection ng mga kaso, contact tracing, isolation at quarantine, testing at treatment.