Binusisi na sa Senado ang nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng mga pagdukot sa ilang bahagi ng bansa.
Sa umpisa ng pagdinig sinabi ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa na apat na resolusyon ang inihain para silipin ang serye ng mga pagdukot na nangyayari sa ilang syudad at mga lalawigan.
Ayon kay Dela Rosa, lilinawin ng imbestigasyon kung ano na ang estado ng ‘peace and order’ sa bansa lalo’t kumakalat sa mga social media ang mga video ng mga kidnapping.
Nais din aniya ng imbestigasyon na maalis ang alinlangan at takot ng mga kababayan lalo na ng mga magulang na nangangamba sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Kasama rin sa sinisilip ngayon ang kidnapping cases na kinasangkutan ng mga dayuhan at kung ito ba ay POGO-related kidnapping, ‘kidnap for ransom’ o may kinalaman sa human trafficking.
Ipinanood din kanina ang ilang mga karumal-dumal na videos ng pagdukot sa pagdinig pero ito ay iniwasan nang maipakita sa publiko.