Ikinakabahala ng husto ng isang kongresista ang pagtaas ng krimen kaugnay sa mga financial transactions gamit ang mga bank account at e-wallet na mas ginagamit ng nakararami ngayong pandemya.
Dahil dito, sinimulan nang talakayin at repasuhin ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang House Bill 9615 o ang Bank Account and E-wallet Regulation Act na inihain ni Quirino Rep. Junie Cua.
Tinukoy ni Cua na kinakitaan ngayon ng pagtaas ng transaksyon gamit ang cyberspace kung saan umangat din ang bilang ng mga kaso ng iligal na aktibidad tulad ng phishing o pagnanakaw ng bank o data accounts at cash mules o iyong mga indibidwal na tumanggap, nag-acquire o naglipat ng ninakaw na salapi mula sa phishing o iba pang uri ng cybercrime.
Aniya, sa nakalipas na tatlong taon ay naitala ang 1,419 na insidente na may kaugnayan sa deposit crimes at losses habang mula sa lima noong 2016 ay tumaas sa 28 ang mga sangkot sa dark web activities na nagnanakaw at nagbebenta ng mga account details.
Isinusulong ni Cua ang pagpapataw ng mas mahigpit na parusa upang matigil na ang ganitong iligal na gawain.
Sa ilalim ng panukala, ang mga magsisilbing money mules, masasangkot sa phishing at economic sabotage ay mahaharap sa anim hanggang labindalawang taong kulong o multa na P200,000 hanggang P500,000.
Samantala, ang mga tutulong naman sa money mules ay mapaparusahan ng anim na taon at isang araw na pagkakabilanggo at multang P100,000 hanggang P200,000.