*Cauayan City, Isabela- *Hinihintay na lamang sa ngayon ang pirma ni City Mayor Bernard Dy para sa implimentasyon sa ordinansang dagdag pasahe sa mga pampasaherong traysikel matapos itong maaprubahan sa City Council ng Cauayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Sangguniang Panlungsod Member Garry Galutera, kung saan tumaas na ng isang piso ang minimum na pamasahe sa Lungsod ng Cauayan mula sa dating pamasahe na 12 pesos.
Ito ay dahil umano sa kahilingan ng mga traysikel drivers ng Cauayan City at pagtaas na rin ng presyo ng gasolina.
Pinag-aralan din umano ng mabuti ng City Council ang pagda-dagdag ng pasahe at napagkasunduan rin umano ito ng publiko sa isinagawang Public Hearing kamakailan dito sa Lungsod ng Cauayan.
Dagdag pa ni Galutera, aabangan na lamang umano ang ipapalabas na fare matrix ng Business Licencing Office para sa kopya ng tamang rate ng pasahe sa ibat-ibang lugar sa Lungsod ng Cauayan.
Paalala naman ni Galutera sa mga trycycle drivers na habang wala pang pormal na implimentasyon sa dagdag pasahe ay huwag muna umanong maningil ng 13 pesos sa mga pasahero.