Ibinabala ni Senador Francis Tolentino ang pagtaas ng presyo ng pagkain, presyo ng gasolina at presyo ng mga basic goods bilang isa sa mga matinding epekto ng kasalukuyang alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Bunsod nito ay pinapaglatag na ni Tolentino ang National Economic and Development Authority (NEDA) at National Security Council (NSC) ng mga alituntunin at patakaran upang maibsan ang mga sosyo-ekonomikong epekto ng hidwaan ng dalawang bansa mula sa Eastern Europe, lalo na sa usapin ng global inflation.
Binanggit ni Tolentino na dapat pati ang Bangko Sentral at iba pang financial institutions ay paghandaan na ang posibleng epekto ng Ukraine crisis sa system of banking.
Inaasahan ni Tolentino na sa loob lamang ng dalawang linggo ay tuluyan ng mararamdaman ng Pilipinas at mga karatig-bansa sa Timog Silangang Asya ang epekto ng hidwaan ng Russia at Ukraine lalo na kung humantong ito sa tinatawag na ‘prolonged warfare.’
Hiling ni Tolentino sa pamahalaan, siguraduhin na sapat ang supply at abot-kaya pa rin ang presyo ng pagkain at gasolina para sa karaniwang tao sa kabila ng naka-ambang economic restrictions na posibleng ipataw laban sa Russia ng Estados Unidos at European Union.