Pagtaas ng Presyo ng mga Construction Materials, Minomonitor na ng DTI Isabela!

Cauayan City, Isabela- Binabantayan na ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang ilang mga may-ari ng hardware sa Lalawigan na nakitaang nagtaas ng presyo ng kanilang mga panindang construction materials ngayong nasa ilalim ng new normal o General Community Quarantine ang probinsya.

Ayon kay Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela, base sa kanilang weekly price and supply monitoring sa mga basic necessities and prime commodities sa Lalawigan partikular sa mga coastal areas at iba pang mga bayan ay nasa suggested retail price (SRP) naman ang ilang mga pangunahing bilihin habang may konting paggalaw naman sa presyo sa ibang mga nasuring establisyimento.

Ipinaliwanang nito na habang nasa ilalim ng state of *public health emergency* ang ating bansa ay mananatili sa price freeze sa loob ng 60 days ang mga basic necessities at prime commodities subalit hindi aniya kasali dito ang mga construction materials.


Bagamat hindi kasama sa price freeze ang mga construction materials ay imomonitor pa rin aniya ng DTI ang mga natanggap na reklamo mula sa mga consumers na masyado umanong mabigat sa bulsa ang presyo ng mga materyales na ibinebenta sa mga hardwares.

Rason naman ng mga hardware owners na nagtaas ng presyo gaya sa semento ay dahil sa nagtaas din umano ng presyo ang kanilang supplier.

Kaugnay nito, binibigyan ng letter of inquiry ang mga nakitaan ng may paggalaw ng presyo at kung mabatid naman na may paglabag ang isang may-ari ng hardware ay iisyuhan na ng DTI ng notice of violation.

Facebook Comments