
Isinisi ng Department of Energy (DOE) sa patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ang panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa DOE, kabilang sa mga pangunahing salik ang umiiral na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na nagdulot ng pagkaantala sa suplay ng langis.
Dagdag pa rito ang patuloy na hamon sa suplay mula sa Russia, Kazakhstan, at Libya, gayundin ang malamig na panahon sa Northern Hemisphere na nagreresulta sa mas mataas na demand sa enerhiya.
Tiniyak naman ng DOE ang pagpapatuloy ng pagbibigay ng diskwento ng piling gasoline stations para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Tiniyak din ng ahensya sa publiko na patuloy nilang mino- monitor ang kalagayan ng pandaigdigang pamilihan ng langis at tuloy ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na ang presyo ng mga produktong petrolyo ay nananatiling patas at naaayon sa umiiral na batas.










