Iimbestigahan na sa Lunes ng Senate Committee on Health and Demography ang tumataas na bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 at influenza at ang natukoy na apat na kaso ng walking pneumonia.
Ang imbestigasyon ay kaugnay na rin sa resolusyon na inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na humihiling na silipin ang kahandaan ng bansa sa sakit na walking pneumonia at sa panganib na makapasok sa bansa ang iba pang respiratory diseases.
Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go, Chairman ng komite, aalamin nila sa pagdinig kung paano tumutugon ang Department of Health (DOH) at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Bubusisiin din kung ano ang mga hakbang na ginagawa ngayon ng pamahalaan para maagapan ang higit pang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit at kung gaano kahanda ang ating DOH at ang mga healthcare institutions kapag lumala ang sitwasyon.
Samantala, hinikayat din ni Go ang publiko sa patuloy na pagsusuot ng face mask sa mga matatao at siksikang lugar lalo ngayong tumataas ulit ang kaso ng mga nagkakasakit ng COVID-19.