Mahigpit na binabantayan ng Pangasinan Police Provincial Office (PangPPO) ang posibleng pagtaas ng mga insidente ng aksidente sa kalsada ngayong holiday season.
Ayon kay Provincial Director, Police Colonel Rollyfer Capoquian, madalas tumataas ang bilang ng mga road accidents tuwing Pasko at Bagong Taon, kung saan karamihan sa mga insidente ay bunsod ng pagmamaneho nang lasing.
Dahil dito, pinatutupad ng PangPPO ang Oplan Sita sa iba’t ibang bayan sa probinsya. Nagtalaga rin ng karagdagang pulis sa mga pangunahing lansangan upang bantayan ang kaligtasan ng mga motorista at publiko.
Bukod dito, nilagyan ng 15 bagong streetlights ang ilang ruta upang masigurong ligtas ang mga motorista at pedestrian, lalo na sa mga lugar na madalas binibisita ng mga turista tuwing gabi.
Samantala, nananatili ang paalala ng awtoridad sa publiko na maging maingat sa pagdiriwang ng kapaskuhan at gawin ang tamang pagsusuot ng protective gears kabilang na ang reflectorized vest. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨