Ikinatuwa ng Palasyo ng Malacañang ang resulta ng 1st Quarter Business Expectations Survey na nagpapakita na tumaas ang rating ng Pilipinas kung ikukumpara sa nakaraang taon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, batay sa inilabas na resulta ng survey mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas ay umakyat sa 35.2% ang business outlook ng Pilipinas sa unang quarter ngayong taon mas mataas ito sa 27.2% na nakuha noong 4th quarter ng 2018.
Sinabi ni Panelo, indikasyon ito na tumataas at lumalakas ang investor confidence sa Pilipinas na maiuugnay aniya sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa magagaling na economic team nito.
Ibinida ni Panelo na ang pagpapaganda ng ekonomiya ng bansa na mararamdaman ng taumbayan ang isa sa pangunahing pakay ni Pangulong Duterte dahil gusto nitong mapagaan ang buhay ng lahat ng mga Pilipino.
Tiniyak din naman ni Panelo na hindi magpapakakampante ang buong administrasyon at gagawin ang lahat upang matupad ang lahat ng ipinangako ni Pangulong Duterte sa mamamayan.