Pagtaas ng tubig sa mga ilog, dahil sa kawalan ng dredging at desilting operations ng DPWH

Itinuturo ni Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan na isa sa naging problema ng biglang pagtaas ng baha sa Metro Manila ay ang kawalan ng dredging at desilting operations sa mga ilog.

Sa paliwanag ni Bonoan sa mga senador sa ginanap na pagdinig ng Senado tungkol sa epekto ng Super Typhoon Carina at habagat, sinabi ng kalihim na taong 2023 at 2024 ay humiling sila ng pondo para sa maintenance at operations ng mga dredgers pero pareho itong nawala sa budget.

Pero nilinaw naman dito ni dating Accounts Committee Chairman Senator Nancy Binay, inalis ng Senado ang para sa dredging operations ng DPWH dahil inabuso ito ng ilang taon.


Subalit ayon kay Bonoan, nawala rin sa kanilang proposal ang pondo para sa kagamitan sa dredging at ang tanging naabutan nila ay mga equipment pa noong nakaraang administrasyon na nangangailangan pang i-rehabilitate at i-maintain.

Facebook Comments