Pinatututukan ni Senator Joel Villanueva sa pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng underemployment sa bansa.
Bagama’t may pagbaba sa bilang ng mga walang trabaho sa bansa na nasa 3.1% o katumbas ng 1.62 million na indibidwal nitong Hunyo 2024 mula sa dating 4.1% o 2.11 million noong Mayo 2024, tumaas naman ang underemployment sa 12.1% o nasa 6.08 million sa buwan ng Hunyo mula sa 9.9% o 4.82 million noong Mayo.
Tinukoy ni Villanueva na ang patuloy na pagtaas sa underemployment ay indikasyon na patuloy rin ang job-skills mismatch at kawalan ng kalidad ng trabaho sa bansa.
Dahil sa problemang ito, muli namang nanawagan si Villanueva sa mga kasamahang mambabatas na aprubahan ang Senate Bill 2587 o ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act na pinaniniwalaang tutugon sa problema sa job-skills mismatch sa mga manggagawa.
Kabilang ang panukalang ito sa priority measure ng administrasyon na layong palakasin ang skills ng ating mga workforce sa pamamagitan ng mga pagsasanay, apprenticeship, at upskilling.
Umaasa ang senador na magiging ganap na batas din ito sa lalong madaling panahon.