Pagtaas sa bilang ng mga krimen sa mga POGO at accredited service providers nito, pinasisiyasat ng Senado

Pinapaimbestigahan ni Senator Sherwin Gatchalian sa Senado ang pagtaas ng bilang ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga accredited service providers na nasasangkot sa iba’t ibang klase ng mga krimen tulad ng human trafficking, kidnapping for ransom at pag-hire ng mga dayuhang pugante.

Tinukoy sa Senate Resolution 679 ni Gatchalian ang dalawang magkahiwalay na insidente kung saan ang mga accredited na POGO service provider na Xinchuang Network Technology Inc. sa Las Pinas at Clark Sun Valley sa Clark, Pampanga ay nasangkot sa mga krimen ng human-trafficking, serious illegal detention at pagkuha ng foreign fugitive bilang tauhan.

Bukod sa pagsisiyasat ay pinasusuri rin ni Gatchalian ang kapangyarihan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa pag-regulate ng POGO industry gayundin ang kakayahan ng ibang mga ahensya na nagpapatupad ng batas para matigil ang krimeng may kinalaman sa POGO.


Giit ni Gatchalian, dahil sa paglobo ng mga krimeng naiuugnay sa POGO, nangangailangan na ng masusing pag-aaral sa polisiya ng bansa sa POGO at pag-aaral kung higit ba ang mga benepisyong nakukuha kumpara sa aktwal na gastos ng bansa.

Dagdag pa ng senador, mismong ang hepe na ng Philippine National Police (PNP) ang nagsabi na posibleng may ilan pang dayuhang pugante na sangkot sa mga modus ang nagtatago sa ilalim ng operasyon ng mga lehitimong POGO.

Facebook Comments