Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang hakbang ng lehislatura na itaas sa 16 taon mula sa 12 taon ang edad na saklaw ng statutory rape.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, ang pag-apruba ng Senate Bill 2332 o An Act Increasing the Age for Determining Statutory Rape and other Acts of Sexual Abuse and Exploitation to Protect Children ay malaking tulong upang protektahan ang kabataan mula sa sexual exploitation.
Para kay PNP chief napapanahon na para repasuhin ang batas tungkol sa rape dahil nagbago narin ang sitwasyon sa lipunan.
Aniya pa, ang anumang hakbang na magpapalawig ng proteksyon sa mga kabataan ay laging susuportahan ng PNP.
Tiniyak naman ni PNP chief sa mga naging biktima ng sexual abuse na kakampi nila ang PNP at hindi dapat sila mag-alinlangang lumapit sa pulis para humingi ng tulong.
Ang PNP’s Women and Children Protection Office ang nakatutok sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan.