Pagtaas sa mental health issues, itinuturo ng isang senador sa kahirapan ng buhay

Itinuturo ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa hirap ng buhay ang mental health issues na kinakaharap ng mga Pilipino.

Ayon kay Pimentel, hindi na siya nagtataka sa impormasyon ng Department of Education (DepEd) patungkol sa pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na nag-suicide sa gitna ng nararanasang pandemya.

Sinabi pa ng senador na hindi rin siya magugulat kung sakaling mayroong lumabas na pag-aaral sa general population na magpapakita na tumaas talaga ang mga kaso ng mental health issues o problema sa bansa.


Bunsod aniya ng paghirap sa buhay ang pagtaas sa mental health issues tulad na lamang ng mga magsasaka na namomoblema sa kanilang kabuhayan dahil sa epekto sa kanila ng madalas na importasyon.

Umapela si Pimentel sa pamahalaan na seryosohin na ang implementasyon ng batas sa pangangalaga ng mental health at paglaanan ito ng mas malaking pondo.

Inirekomenda ng mambabatas sa gobyerno na gayahin ang ginagawa ng ilang private foundations na mayroon silang hotline kung saan dito maaaring tumawag ang isang taong nangangailangan ng tulong at makakausap para sa kanilang mental health.

Facebook Comments