Pinaiimbestigahan ni Senator Mark Villar ang pagtataas sa presyo at kakulangan sa suplay ng mga manufactured goods tulad ng mga delata.
Ayon kay Villar, inihain niya ang Senate Resolution 193 kasunod ng ulat na may posibilidad na magkulang ang suplay ng mga canned goods bunsod na rin ng pagtaas sa presyo ng tin plates na ginagamit sa paggawa ng delata, gayundin ang price increase sa mga “raw ingredients”.
Nakasaad sa resolusyon na ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin ay nakakaapekto sa purchasing power ng mga mahihirap at marginalized sector sa bansa.
Malaki rin ang epekto nito sa kahirapan dahil ang pagsirit sa presyo ay mas lalong maghihigpit sa sinturon ng mga consumers na apektado pa rin ng COVID-19 na maaaring magresulta ng matinding kagutuman.
Tinukoy rin sa resolusyon na malinaw ang negatibong epekto ng price hikes dahil mismong ang Department of Trade and Industry (DTI) ang mismong nagrekomenda sa mga mamimili na maaga pa lang ay bumili na ng mga Noche Buena items upang maiwasan ang sobrang taas sa presyo pagsapit ng Kapaskuhan.
Mahalaga aniyang matiyak ang matatag na presyo ng mga manufactured goods nang sa gayon ay matiyak na ang mga produkto ay hindi lamang available sa mga consumers kundi ito ay dapat abot-kaya ng bawat Pilipino.