Mariing pinabulaanan ng Department of Agriculture (DA) na dahil sa manipulasyon ang pagtaas ngayon ng presyo ng bigas sa merkado.
Ayon kay DA Usec. Leocadio Sebastian, hindi maiiwasan ang paggalaw sa presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Paliwanag pa ni Sebastian, isa sa dahilan ng nakikitang pagtaas sa presyo ng bigas ay ang may kataasan ding presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Samahan pa aniya ng mataas ding gastusin ng input sa lokal na produksyon kaya nakikita aniyang may paggalaw sa presyo.
Kaya kumbinsido si Sebastian na walang manipulasyon sa presyuhan ng bigas.
Giit pa ni Sebastian, malaki ang industriya ng bigas at sadyang marami aniya ang nagkukumpetensiya kaya mahirap magkaroon ng manipulasyon.
Ang nangyayari lamang aniya ay nagbabalanse ang presyo ng imported sa lokal.
Dahil dito, sinabi ni Sebastian na asahan na magpapatuloy ang ganitong sitwasyon at presyuhan sa bigas hanggang sa katapusan ng taon.
Sa ngayon aniya, nasa 1.3 milyong metriko tonelada na ng imported na bigas ang naideliver na sa bansa.