Nanawagan si Senador Imee Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI) na ibimbin muna ang inaprubahan nilang hirit ng mga manufacturers na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin noong Hulyo.
Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang tinatayang nasa 3% hanggang 5% na pagtaas sa presyo ng bilihin ay hindi isang maliit na bagay para sa mga manggagawang arawan ang sweldo at maaapektuhan pa ng dalawang linggong lockdown simula sa Biyernes para makontrol ang pagkalat ng mas nakakahawang Delta variant.
Anya, kailangan munang tulungan na mapababa ang gastusin ng bawat pamilya dahil ang inaasahang ayuda ay limitado lang at pautay-utay ang distribusyon nito.
Panawagan ng senador, sana ay agahan ang ayuda para makapamili na ang tao at maiwasan ang panic buying na nangyayari ngayon.
Dagdag pa niya, premature ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil hindi pa naman naisasapubliko ng DTI ang pinakahuling SRPs (suggested retail price) para sa mga pangunahing pangangailangan at bilihin.
Sa mga price survey na isinagawa ng tanggapan ni Marcos sa mga sari-sari store at mga supermarket sa Metro Manila, ipinakikita na ang tipikal na food products na binibili ng mga mga ordinaryong pinoy tulad ng sardinas, mga canned meat, instant noodles, kape at gatas ay tumaas na ng kinse sentimos hanggang piso.