Pinamamadali ni Ways and Means Committee Chairman Joey Sarte Salceda ang gobyerno sa paggastos partikular sa implementasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa mga programa at proyekto na may kinalaman sa response sa COVID-19.
Ito ay bunsod na rin ng pagtaas ng current account sa balance-of-payments ng bansa na aabot sa $8.7 Billion o 2.4% ng GDP sa unang tatlong quarter ng 2020.
Partikular na pinagagastos agad ni Salceda ang pondo sa pagbili at pagtiyak sa suplay ng COVID-19 vaccine.
Paliwanag ni Salceda, ang high current account surplus ay nangangahulugan na mas malaki ang savings o natitipid ng Pilipinas kumpara sa pumapasok na investment sa ekonomiya na isang “troubling sign” kapag may krisis.
Babala ng kongresista, kung hindi mauudyukan ang mga kumpanya na mamuhunan sa pamamagitan ng pagtaas sa paggastos ng gobyerno ay tiyak na mas tatagal pa ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ng mambabatas, ito rin aniya ang dahilan kaya’t itinutulak nila ang Bayanihan 3 na mas nakatutok sa income transfers upang maiangat ang antas ng demand na susundan naman ng pagtaas sa suplay lalo na kung may panggastos ang publiko.